Wednesday, June 27, 2007

Isabel Oli, Malungkot


Rey Pumaloy
source: abante tonite 6/28/07

MALUNGKOT ngayon si Isabel Oli dahil sa kanyang ama na may sakit. Sa tuwing napag-uusapan nga ang kanyang ama, ramdam na ramdam ang lungkot sa kanyang mukha at boses.

Sa ngayon, posibleng nailabas na ang resulta sa tunay na sakit ng ama ni Isabel. Hindi na nga lang namin kinulit si Isabel sa tunay na sakit ng kanyang ama, dahil siguradong malulungkot na naman siya.

Sa totoo lnag, nahihirapan nang husto si Isabel sa kalagayan ng kanyang ama. Sabi nga niya, ang laki raw ng ipinagbago ng kanyang ama mula noong magkasakit ito.

Dati raw ay nakakapaglakad pa ito ng normal. Pero ngayon ay nahihirapan na itong kumilos. Hindi na rin daw ito masigla o masayahin ngayon. At may mga panahon na bigla na lang nilalagnat ang kanyang ama.

Bago nga pala ginanap ang presscon ng Mga Mata Ni Anghelita last Monday, umiyak muna nang umiyak si Isabel dahil sa awa sa ama.

Sabi, gusto sanang isama ni Isabel ang kanyang ama sa naturang presscon, pero tumanggi raw ang kanyang ama, dahil pagod na pagod daw ito at masama ang pakiramdam.

Eh, natatandaan pa ni Isabel noon, na kapag isinasama niya ang kanyang ama, hindi ito nagdadalawang isip na samahan siya sa mga lakad niya. Na kahit malayo nga raw ang lugar ng syuting niya, sumasama ito sa kanya noon.

Sa Singapore nga pala nakatira ang tatay ni Isabel. Pero, dahil sa karamdaman nito ngayon, hindi pa ito bumabalik sa Singapore.

Sabi ni Isabel, mas praktikal at mas mura raw kasi ang gamutan dito sa Pilipinas, kung ikukumpara sa Singapore.

Kaya sa mga lalakeng naghahangad na maka-date si Isabel, sorry na lang kayo, dahil ang kanyang ama ang nasa utak niya ngayon.

Sa totoo lang, wala sa utak ni Isabel ang makipag-date sa kahit na kanino, o gumimik kaya. At wala rin sa plano niya ang magka-boyfriend sa ngayon.

Sa ngayon, panay ang dasal ni Isabel na sana ay gumaling na ang kanyang ama.

Nagpapasalamat din si Isabel dahil palaging nasa tabi niya ang ex-boyfriend na si Paolo Contis.

No comments: